Ibinahagi ng television host at misis ni Sen. Robin Padilla na si Mariel Rodriguez-Padilla ang naging karanasan ng kanilang pamilya sa pagbisita sa The Hague, Netherlands, kung saan nakadaupang-palad nila ng mga anak si Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang social media post nitong Sabado, Mayo 16, ibinahagi ni Mariel ang teaser ng kaniyang vlog mula sa The Hague, matapos siyang isama ng mister para magpakita ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng isang programa sa labas ng International Criminal Court (ICC).
Doon, first time daw niyang nakadaupang-palad si VP Sara.
Inilarawan ni Mariel bilang “unforgettable experience” ang naging pananatili nila sa The Hague kasama ang pamilya Padilla. Ayon sa kaniya, tampok sa kanilang vlog ang kauna-unahang pagkikita nila ng bise presidente, na aniya’y naging espesyal dahil sa pagiging “humble, warm, at mabait” umano nito sa kanilang pamilya.
"Sa vlog na ito, ibabahagi namin ang very special moment ng aming first meeting with Vice President Sara Duterte — and honestly, we were touched kung gaano siya ka-humble, warm, at kabait sa buong family ng Padilla," anang Mariel.
Bago ang naturang pagkikita, ikinuwento rin ni Mariel na naglibot muna sila sa isang horse trail forest sa Netherlands na pabiro nilang tinawag na “Duterte Forest.”
Matapos nito, dumaan din umano sila malapit sa ICC Detention Center at kalaunan ay dumalo sa isang rally bilang suporta kay FPRRD kasama ang ilang Pilipinong nasa abroad.
"Afterwards, dumaan din kami near the ICC Detention Center and later attended a rally in support of Former President Rodrigo Duterte kasama ang maraming kababayan natin abroad," aniya.
Ayon pa kay Mariel, puno ng “genuine moments, emotions, and unforgettable memories” ang kanilang naging karanasan sa The Hague kasama ang kapwa Pilipino.
Matatandaang naging sentro ng usapin kamakailan ang ICC kaugnay ng imbestigasyon nito sa war on drugs campaign ng administrasyon ni FPRRD.
Si Sen. Robin ay isa sa mga masugid na tagasuporta ni VP Sara at FPRRD.
Kamakailan lamang, mas lalong uminit ang pangalan ni Sen. Robin matapos ang iringan sa pagitan nila ni Sen. Kiko Pangilinan, at ang umano'y pagtulong kay Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa na makaalis sa Senate premises, nang sumiklab ang umano'y pag-atake sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13.
Tila dedma naman si Mariel sa mga natatanggap na batikos nilang mag-asawa dahil sa pagiging kapanalig ng mga Duterte.