Pinayagang mag-temporary exit ang Kapamilya housemate ng "Pinoy Big Brother celebrity Collab Edition" na si Bianca De Vera para masilayan sa huling pagkatataon ang namayapang pet dog na si Peach.
Ipinalabas sa Thursday episode ng PBB na nakausap ni Bianca ang kaniyang ina via phone call para nga ipagbigay-alam sa anak ang nangyari kay Peach.
Matatandaang nag-post ang nanay ni Bianca tungkol sa kritikal na kondisyon ng alaga ni Bianca, na sadly, hindi niya nakasama hanggang sa huling sandaling buhay pa dahil nga nasa loob ng Bahay ni Kuya ang aktres.
Hindi napigilan ni Bianca na mapaiyak nang malaman niya ang nangyari sa kaniyang alagang aso. Tinawag ni Kuya ang kapwa Kapamilya housemate na si Esnyr upang i-comfort si Bianca.
Kinahapunan ay pinayagang makalabas ng PBB House si Bianca na may blindfold at earphones upang wala siyang access sa "outside world."
Binigyan si Bianca ng limang minuto para makasama at makapagpaalam kay Peach habang 100 segundo naman sa kaniyang mga magulang.
Sa mga kumakalat na video clips ay patuloy na nagluksa si Bianca habang nasa loob ng Bahay ni Kuya at to the rescue naman ang ilang housemates para magbigay ng comfort at makiramay sa kaniya.
Nabagbag naman ang damdamin ng netizens lalo na ang fur parents para kay Bianca na itinuturing na rin ang kanilang pet dogs bilang kapamilya.