Tinugon ni Kapamilya actress Kira Balinger ang isyu tungkol sa umano’y ginawa sa kaniya ni Kapuso Sparkle artist Faith Da Silva.
Matatandaang bumisita kamakailan si Kira sa countdown variety show ng GMA Network na TiktoClock kasama ang ka-duo niya sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition na si Charlie Fleming.
Matapos nilang sumalang sa isang segment ng show, pinromote nila ang PBB. Nauna si Charlie na hikayatin ang mga manonood.
Ngunit nang si Kira na ang magsasalita ay hindi nito natuloy ang sasabihin dahil sumingit si Faith upang banggitin ang commercial cue.
Dahil dito, ginawa itong content ng ilan at binahiran pa ng matinding intriga.
Ngunit sa isang panayam kay Kira noong Biyernes, Mayo 2, sinabi niyang hindi naman daw siya nakaramdam ng kabastusan.
“Actually, when I was there, hindi ko naman po feel na may kabastusan na nangyari. And alam ko naman din yung sa mga live show po na ganyan, talagang may oras iyan,” saad ni Kira.
Dagdag pa niya, "So, if they needed to cut the show, wala po talagang problema iyan sa akin."