Pumanaw ang isang 20 taong gulang na lalaking student-athlete ilang araw matapos ang kaniyang boxing match-up sa Camiguin.
Ayon sa mga ulat, agad na isinugod sa ospital ang biktima na kumakatawan sa Southern Tagalog laban sa kinatawan ng National Capital Region (NCR) para sa 2025 State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) National Games noong Abril 26, 2025.
Agarang isinugod sa Camiguin General Hospital ang biktima ngunit binawian din siya ng buhay matapos ang ilang araw. Hindi pa umano malinaw kung ano ang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay, bagama’t sinasabing posible umanong ininda ng biktima ang suntok na kaniyang tinamo sa mukha na malapit sa ilong.
Sa hiwalay na pahayag, nilinaw naman ng pamunuan ng nasabing liga na nakahanda umano ang lahat ng medical team sa bawat sporting event at iginiit na ang nasabing laban sa pagitan ng biktima at NCR team ay nasa tamang protocols umano.