Patuloy pa rin ang pag-iral ng weather systems na Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies sa bansa ngayong Martes, Abril 22, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang ITCZ—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, Sarangani, South Cotabato, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Malaki rin ang tsansang magdudulot ang ITCZ ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao.
Samantala, inaasahan ding magdadala ang easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi.
Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).