Isa na namang contestant ng Pilipinas Got Talent (PGT) season 7 ang nabigyan ng golden buzzer dahil sa pinagsiklab nitong talento.
Sa latest episode ng PGT noong Sabado, Abril 12, ipinamalas ni JB Bangcaya ang makapigil-hininga niyang pagtatanghal ng blazing fire-balancing.
Sey tuloy ng isa sa apat na hurado ng PGT na si Donny Pangilinan matapos ang pagtatanghal, “Hindi siya nagbibiro no’ng sinabi niyang kamangha-mangha.”
“JB, kahanga-hanga. World class ang ipinakita mo!” saad naman ni Eugene Domingo.
May ilang audience namang humirit na i-golden buzzer si JB. Kaya matapos bumoto ng “yes” ang mga hurado, pinindot na nga ni Eugene ang golden buzzer.
“Gusto kong ibigay ang bagong pag-asa,” sabi pa ni Eugene.
Si JB ay isang kusinero mula sa Muntinlupa City. Una siyang nakapagtanghal sa probinsiya niya sa Occidental Mindoro kasama ang mga kagrupo niya sa isang dance troupe.
Matatandaang sa unang episode ng PGT ay isang dance troupe naman ang nagawaran nina PGT hosts Melai Cantiveros at Robi Domingo ng golden buzzer.
MAKI-BALITA: PGT 2025, nagsimula na; dance group nabigyan agad ng golden buzzer!