Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na ang nawawalang si Filipino-Chinese businessman Anson Que at kaniyang driver ang natagpuang patay sa Rizal.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, Abril 10, sinabi ni PNP spokesperson PBGen. Jean Fajardo na kahapon ng Miyerkules, Abril 9, nang ma-recover nila ang bangkay nina Que at driver nitong kinilalang si Armanie Pabillo.
“Kahapon nga po ay nahukay na po at na-recover po yung bangkay po ng dalawang kidnapping victim po. Ito po si Ginoong Ong Yuan Go, also known as Anton Tan, kasama po yung kanyang driver po na si Mr. Pabillo,” ani Fajardo.
Hindi pa naman nagbigay ng karagdagang impormasyon si Fajardo dahil patuloy pa rin daw nilang iniimbestigahan ang nangyari.
“As to the specifics po sir, we will not be giving ilang mga detalye po dahil ongoing po yung investigation including po yung possibility po na nagbigay po ng ransom po yung pamilya,” saad ni Fajardo.
Matatandaang nitong Miyerkules nang ihayag ni Filipino-Chinese civic leader Teresita Ang-See na natagpuan umanong patay sina Que at driver nito sa Rodriguez.
MAKI-BALITA: Kinidnap na si Anson Que, natagpuan umanong patay kasama ang driver
Huli umanong nakitang buhay sina Que at driver nito noong Marso 29 nang umalis sila sa Valenzuela City para sa isang meeting. Kinabukasan, Marso 30, nang maiulat ang dalawang nawawala.