Opisyal nang nagsimula ang season 7 ng reality-talent competition na Pilipinas Got Talent noong Linggo, Marso 30.
Sa unang episode pa lang ng naturang kompetisyon, may nagawaran agad ng golden buzzer, ang Femme MNL na sumalang bilang last act.
Ayon sa isang miyembro nito, "Ang Femme MNL ang fiercest all gay group in the Philippines. Isa po sa mga naging mantra ng Femme MNL is 'yong maging pa-epal.”
Dagdag pa niya, “You need to stand-out. Gagawin mo na lang, galingan mo na.”
Kaya naman nang magtanghal na ang Femme MNL sa stage ng PGT ay pinatunayan nila ang kanilang mantra.
Hindi lang napapalakpak kundi napatayo pa ang apat na huradong sina "The Boss" Freddie "FMG" Garcia, "New Gen Matinee Idol" Donny Pangilinan, "Comedy Star For All Seasons" Eugene Domingo, at "Asia's Superstar" Kathryn Bernardo.
At hindi pa rito natatapos ang reward sa ipinamalas nilang talento dahil pinindot nina PGT hosts Melai Cantiveros at Robi Domingo ang golden buzzer para sa kanila.
Sabi nga ni Robi, “Hindi lang sila pang-semi-finals. Pang-finals na sila talaga.”
MAKI-BALITA: FMG, Donny, Eugene at Kathryn, ‘power judges’ ng ‘Pilipinas Got Talent’ season 7