Sa kaniyang pagbati sa ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, binalikan ni Senador Bong Go ang payo sa kaniya ng dating pangulo.
Sa isang Facebook post ngayong Biyernes, Marso 28, binati ni Go si Duterte.
"Sa araw na ito, nais iparating ni Senator Kuya Bong Go ang taus-pusong dasal at suporta kay Tatay Digong. Isa siyang lider na inalay ang kanyang buong buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino. Hanggang ngayon, ramdam pa rin natin ang kanyang malasakit," anang senador.
"Sir Mayor Rody, maraming nagmamahal sa iyo. Sa iyong kaarawan, dasal namin ang kalakasan mo at kapanatagan ng loob. Manatili tayong matatag at magtiwala sa tamang proseso," dagdag pa niya.
Kahit aniya malungkot ngayon dahil nasa The Hague, Netherlands si Duterte para sa kaniyang kaso sa International Criminal Court, ay tinatandaan niya ang mga payo ng dating pangulo.
"..Palaging tinatandaan ni Senator Kuya Bong Go ang payo ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanya noon pa: 'Just do what is right. Unahin ang interes ng bayan. Unahin ang kapakanan ng mga Pilipino lalo na ang mahihirap, at hinding hindi ka magkakamali.'"
"Let us celebrate his birthday kahit magkakalayo po tayo. Ipagdasal natin siya. Ipagdasal natin ang kalusugan, kaligtasan at kalayaan ni Tatay Digong."