Nakapagtala ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island na apat na volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Marso 23.
Base sa 24 oras na pagmamanman ng Phivolcs, nananatiling mataas ang aktibidad ng Kanlaon na nakataas pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest).
Nito lamang Sabado, Marso 22, naglabas ang bulkan ng 2,287 tonelada ng sulfur dioxide.
Dagdag ng Phivolcs, natatakpan ng ulap ang Bulkang Kanlaon na patuloy pa rin sa pamamaga.
Dahil dito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko na maaaring maganap sa Kanlaon ang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfall, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Kaya naman, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!