March 26, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA
(Courtesy: PAGASA/website)

Patuloy pa rin ang epekto ng weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line at easterlies sa bansa ngayong Sabado, Marso 22, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Visayas, Dinagat Islands, at Surigao del Norte.

Inaasahan namang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, SOCCSKSARGEN, BARMM, Zamboanga Peninsula, at Palawan.

Malaki naman ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Bicol Region, Cagayan Valley, mga natitirang bahagi ng MIMAROPA, Apayao, Aurora, at Quezon.

National

Honeylet Avanceña, Kitty Duterte nasa The Hague na

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Ayon din sa weather bureau, inaasahang magdadala rin ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot pa rin ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).