March 19, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang tuluyang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019

BALITAnaw: Ang tuluyang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019
Photo courtesy: PDP-Laban/ICC website

Ngayong Marso 17, 2025, eksaktong anim na taon, ay ginugunita ang tuluyang pagkalas sa poder ng International Criminal Court (ICC) ng Pilipinas, sa ilalim ng noo'y administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na hindi inakala ng nakararaming sa Marso rin mangyayari ang pag-aresto sa dating pangulo sa kasong "crimes against humanity," kaugnay sa kaniyang giyera kontra droga, nagbunsod umano sa "extra-judicial killings" o EJK.

Taong 2016, bitbit ni Duterte ang pangako sa taumbayan na wawakasan na niya ang problema hinggil sa paggamit ng droga, at nagdeklara ng giyera kontra droga laban sa mga nagtutulak nito. Isa ito sa mga naging dahilan kung bakit naipanalo niya ang halalan at naging pangulo ng bansa.

Hindi pa man nag-iinit sa puwesto, bandang Oktubre 2016 ay sinabi ni ICC prosecutor Fatou Bensouda na minamatahan nila ang Pilipinas, dahil sa pagtaas daw ng kaso ng madugong patayan, na iniuugnay nga sa giyera kontra droga. Nobyembre 2016, pumalag ang dating pangulo at sinabing binabalak niyang i-withdraw ang Pilipinas sa ilalim ng ICC. Tinawag pa niya itong "inutil." Hindi naman nagpatinag ang ICC at sinabing magsasagawa sila ng preliminary examination sa mga naganap na "EJK" sa bansa. Malugod naman itong tinanggap ng administrasyon, at nagpatuloy pa rin ang mga operasyon para sa war on drugs.

Makalipas ang dalawang taon, noong Marso 18 ay inanunsyo ng dating pangulo na natanggap na ng pamahalaan ang written notification of withdrawal mula sa Rome Statute ng ICC. Paglilinaw naman ng ICC, magiging epektibo lamang ito isang taon makalipas ang pagkakatanggap ng nabanggit na written notification. Sinasabing naipadala at natanggap ang written notification noong Marso 17, 2018.

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Rep. Edcel Lagman at ang naging kontribusyon niya sa serbisyo publiko

KAUGNAY NA BALITA: PH, kakalas sa ICC

Marso 17, 2019, pormal at opisyal na ngang kumalas ang Pilipinas sa ilalim ng ICC bilang member-state nito.

Sa kabilang banda, kahit opisyal at pormal nang hindi member-state ang Pilipinas mula Marso 17, 2019 hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagmamata at imbestigasyon ng ICC sa mga balita ng umano'y madugong patayang sa Pilipinas hanggang sa matapos ang termino ni Duterte.

At pumasok na nga ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. noong 2022, na ang bise-presidente ay si Vice President Sara Duterte, na ka-tandem niya sa "UniTeam." Itinalagang kalihim ng Department of Education (DepEd) si VP Sara at minsan na ring naging caretaker ng Pilipinas, sa mga opisyal na pag-alis ng pangulo patungong ibang bansa.

Bandang Pebrero 2023 ay sinabi ng pangulo na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC, at ipinagdiinan ang soberanya ng bansa. Naghain pa ang pamahalaan ng Pilipinas ng notice of appeal na humihiling sa ICC na isuspinde ang pagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa war on drugs. Samantala, hiniling ni ICC Prosecutor Khan sa appeals chamber ng korte na ibasura ang hiling ng pamahalaan.

Hindi pa man natatapos ang 2023, nagsimula na ang pagsulpot ng iba't ibang isyu sa pamahalaan kabilang na ang "fall-out" ng relasyon nina PBBM at VP Sara, na dating magkaalyado sa "UniTeam." Sa kabilang nito, bandang Enero 2024 ay muling pinagdiinan ni PBBM na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC sa mga imbestigasyon nito kontra war on drugs ni dating Pangulong Duterte, kahit na kine-claim ni dating Senador Antonio "Sonny" Trillanes IV, isa sa mga mahigpit na kritiko ng dating pangulo, na nakapasok na ang ICC sa Pilipinas at nakapangalap na ng mga ebidensya.

Bagama't patuloy na pinag-uusapan, bahagyang humupa ang mga balita tungkol dito hanggang sa pagtatapos ng 2024, subalit sa pagpasok ng Marso 9, 2025, pumutok ang isang malaking impormasyong nakahanda na raw ang warrant of arrest ng ICC laban sa dating pangulo. Kumalat pa ang mga intrigang kaya lumipad pa-Hong Kong ang dating pangulo ay upang magtago na, subalit mabilis itong winalis ng kampo nila, at sinabing dumalo lamang si Duterte sa “Pasasalamat kay PRRD."

Ngunit Martes, Marso 11, nagulantang ang buong bayan nang dakpin na nga ang dating pangulo pagkalapag niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Hong Kong, at kinagabihan, inilipad na rin siya patungong The Hague, Netherlands kung saan naroon ang ICC.

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, kauna-unahang Asian leader na inaresto ng ICC

KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, nasa kustodiya na ng ICC

Marso 14, humarap ang dating pangulo sa pre-trial hearing upang kumpirmahin ang kaniyang identidad at ilatag sa kaniya ang dahilan kung bakit siya nililitis. Setyembre 23, 2025 naman magsisimula ang confirmation of charges hearing kaugnay ng kaso.

KAUGNAY NA BALITA: Pagharap ni FPRRD sa pre-trial ng ICC, sinubaybayan ng pamilya ng mga biktima ng war on drugs

KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025

Mababasa naman sa press release ng ICC ang tungkol dito.

"The Philippines, an ICC State Party since 1 November 2011, deposited a written notification of withdrawal from the Statute on 17 March 2018. Under article 127 of the Statute, that withdrawal took effect on 17 March 2019. Nevertheless, the ICC retains jurisdiction over crimes allegedly committed in the Philippines while the country was a State Party to the Statute," nakasaad sa press release ng ICC noong Marso 14, 2025," anila.

Habang isinusulat ang artikulong ito, kaliwa't kanang pagkilos na ang isinagawa at patuloy pang isasagawa ng mga tagasuporta ng dating pangulo upang ipanawagan ang pagpapabalik sa kaniya sa Pilipinas.

Noong Linggo, Marso 16, naging daan ang pagdiriwang ng 88th Araw ng Dabaw sa mga Dabawenyong tagasuporta ng dating pangulo upang ipahayag ang panawagang pabalikin siya sa Pilipinas, na kasalukuyang nasa kustodiya pa rin ng ICC.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, umabot sa 30,000 mga tagasuporta ng dating pangulo ang dumalo at nakiisa sa isinagawang unity at solidarity walk, gayundin sa isinagawang parada, batay na rin sa ulat ng pulisya.

KAUGNAY NA BALITA: Mga nakiisa sa 'unity walk' sa Araw ng Dabaw, umabot sa 30k

Sa programang kaugnay nito ay direkta ring nagbigay ng mensahe si Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

"Mr. President Marcos, you will never be loved! Especially to us who are calling out Rody Duterte's name, you will never be loved, Mr. Marcos."

"We will stand up and we will fight back!" aniya pa.

KAUGNAY NA BALITA: Mayor Baste kay PBBM: 'You will never be loved!'

Hindi pa nagbibigay ng tugon, reaksiyon, at pahayag ang kampo ng pangulo tungkol sa mga birada ni Mayor Baste.

Sabi nga ni ICC assistant to counsel at abogado ng drug war victims na si Atty. Kristina Conti, mahabang proseso ang paglilitis ng ICC kay dating Pangulong Duterte, kaya't masasabing mahaba at hahaba pa rin ang usaping ito, at kung kailan ito matitigil, tanging kasaysayan at panahon na lamang din ang makapagsasabi.

BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD