Kinapanayam ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga si Senador Risa Hontiveros sa talk show vlog nitong “ToniTalks” sa special episode nito para sa Women’s Month.
Nitong Linggo, Marso 16, nang ilabas ni Toni sa YouTube channel nitong “ToniTalks” ang pakikipanayam niya kay Hontiveros, kung saan may pamagat ang video na: “Sen. Risa Hontiveros On The Defining Strength Of Women In Leadership.”
“When we were talking about sino ba yung mga trailblazers, sino yung mga women who are fighters, who stand up for what is right, in the midst of what is popular, isa po kayo sa naisip namin because it has always been your advocacy to fight for what you believe is right for the country,” mensahe ni Toni sa simula ng panayam niya sa senadora.
Napag-usapan naman nina Sen. Risa at Toni sa naturang video ang buhay ng senadora bilang isang single mom, sa pagpasok niya sa politika, at bilang kasalukuyang senadora ng bansa na nagsusulong para sa karapatan ng kababaihan.
Kaugnay nito, muling nagpahayag ng pasasalamat si Hontiveros kay Gonzaga-Soriano sa pamamagitan ng isang Facebook post.
“Toni Talks Women’s Month special… Maraming salamat, Toni Gonzaga, para sa makabuluhang kwentuhan tungkol sa mga iba’t ibang isyu ng ating kababaihan,” saad ni Hontiveros.
Ngayong buwan ng Marso ipinagdiriwang ang Women’s Month.