Nagbigay ng pahayag si Kabataan Partylist Spokesperson at First Nominee Atty. Renee Co patungkol sa lagay raw ng kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) para sa pagdinig sa kasong "crimes against humanity" na isinampa laban sa kaniya.
Matatandaang sa pag-aresto pa lamang sa dating pangulo noong Martes, Marso 11, pagkadating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa sortie ng PDP-Laban senatorial candidates sa Hong Kong, ipinakita ng kaniyang anak na si Veronica "Kitty" Duterte ang lagay nito; nag-viral pa nga ang isang larawan niya habang may nakalagay na tubo sa kaniyang ilong mula sa oxygen tank.
"Kalooy ni Digong? No. Mabuti pa siya umabot sa old age, pero maraming kabataan ang hindi na tatanda dahil sa gera kontra mahirap na inutos niya. Nasaan na ang pa-macho effect ni Digong? Let the old man live long enough to face any proper consequence and give justice to his victims,” aniya, na mababasa sa Facebook page ng party-list.
“The world is watching us. Hindi na lang to issue nating mga Pilipino. Nakakahiya na sinubok pa nila ang bulok na tactics ng mga trapo sa Pilipinas na magpanggap na may malubhang sakit para tumakas sa kaso. Neckbrace na lang ang kulang. Pilit pang pinapalabas na kidnapping ang nangyari kahit buong mundo alam naman kung nasaan siya, naka-VIP plane pa," aniya pa.
“This is not Davao. Wala siyang hawak na politiko, militar o tauhan dito. Kaya rin hinanap ng mga pamilya ng biktima ang ICC: para masalang si Duterte bilang ordinaryong tao na may sala, kaysa dating pangulo na may poder at kontrol sa politika. Ang magbabawi na lang sa dignidad ng Pilipinas sa buong mundo ay kung mapapanagot si Duterte at di na magpapatuloy ang siklo ng pag-upo ng mga mapang-abuso na politiko at dinastiya na gobyerno. Ito ang hamon sa kabataan ngayon sa halalan 2025, at lagpas pa rito,” dagdag pa.
Matatandaang emosyunal na ikinuwento ni Senador Bong Go ang mga karanasan umano ng dating pangulo habang nasa kustodiya ng ICC sa The Hague, Netherlands, kabilang dito ang hindi umano pagbibigay ng gamot sa dating pangulo.
Sa isinagawang prayer rally na "Bring Him Home: A Prayer for Tatay Digong" ng PDP-Laban sa Liwasang Bonifacio nitong Sabado, Marso 15, ibinahagi ni Go ang mga nakuha raw niyang update mula kay dating Executive Secretary Salvador Medialdea, tumayong legal counsel ni Duterte sa Pre-Trial Chamber I noong Biyernes, Marso 14.
MAKI-BALITA: FPRRD, hindi raw binibigyan ng gamot habang nasa ICC—Sen. Go