Pumalo na ng 922 ang bilang ng mga tinamaan ng tigdas o measles-rubella sa bansa, mula Enero 1 hanggang Marso 1, 2025.
Ayon sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) kamakailan, mas mataas umano ng 35% ang naitala nila sa nasabing mga buwan, kumpara noong 2024 na mayroong 683 kaso sa kasagsagan ng buwan ng Enero hanggang Marso.
Dagdag pa ng DOH, pawang mga nasa rehiyon ng National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR),Ilocos, Bicol, Western Visayas at South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City (SOCCSKSARGEN) ang kanilang naitala na may pagtaas ng kaso na tinatamaan ng tigdas.
Nabanggit din ng DOH na mula sa kabuuang bilang ng kanilang kasalukuyang datos, 625 sa mga ito ay mga bata.
"Ang isang batang may tigdas ay puwedeng makahawa sa labing-anim na iba pang mga bata. Kaya mahalagang mapigilan natin ang pagkalat ng sakit na ito," ani DOH Secretary Ted Herbosa.
Kaugnay nito, nakatakda umanong ilunsad ng DOH ang immunization campaign sa buong buwan ng Marso para sa mga batang nasa edad 13 hanggang 59 buwang gulang sa rehiyon ng Central Luzon, Calabarzon, SOCCSKSARGEN at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).