Pinatutsadahan ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo si Senador Imee Marcos matapos nitong sabihing hindi siya makakadalo sa campaign rally ng senatorial slate ng administrasyon ng kapatid niyang si Pangulong Bongbong Marcos, dahil hindi niya matanggap ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam nitong Biyernes, Marso 14, napakanta si Panelo tungkol sa “pagbabalat-kayo” matapos tanungin ang kaniyang reaksyon sa naturang pahayag ni Sen. Imee.
“Balat-kayo pala ang buhay sa mundo,” pagkanta ni Panelo.
“‘Yan ang sagot ko sa kaniya. Bolahin mo lelang mo,” saad pa niya.
Nitong Biyernes nang humingi ng paumanhin si Sen. Imee sa mga kababayang Waray dahil hindi raw siya makakadalo sa campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
“Nagpapaumanhin ako sa mga kababayan kong waray na hindi ako makakadalo sa rally mamaya sa Tacloban.HINDI KO MATANGGAP ANG GINAWA KAY FPRRD,” saad ng senadora.
MAKI-BALITA: Imee Marcos, 'di raw dadalo sa Alyansa rally dahil hindi matanggap ginawa kay FPRRD?
Matatandaang noong Martes, Marso 11, nang arestuhin si FPRRD dahil sa bisa ng arrest warrant ng ICC dahil sa umano’y “krimen laban sa sangkatauhan" kaugnay ng war on drugs ng administrasyon nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO