Hindi napigilan ng aktor at senatorial candidate na si Philip Salvador ang kaniyang gigil nang matanong tungkol sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaninang umaga, Martes, Marso 11, sa kaniyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mula sa Hong Kong.
Sa ambush interview ng media, iginiit ni Salvador na hindi raw ipinakita ang arrest warrant laban sa dating pangulo, at hindi raw pinayagang makalapit sa kaniya ang mga abogado at maging doktor.
"Walang makalapit sa kaniya, ultimo mga abogado niya, ni isang doktor man lang para palapitin sa kaniya, wala!" saad ng aktor.
Nang matanong naman kung may ideya siya sa mga susunod na hakbang ng kampo ng mga Duterte, sinabi ni Salvador na nasa mga abogado raw ito.
"Nasa mga abogado 'yan. Kailangang mag-file sila ng ano sa Supreme Court. Kasi ilegal ito, wala namang pinapakita eh," giit ng senatorial aspirant, na tumutukoy sa arrest warrant.
Samantala, batay naman sa opisyal na pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), may warrant of arrest silang natanggap mula sa International Criminal Court (ICC).
MAKI-BALITA: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang