Ipinroklama bilang "Honorary Chieftain" ng katutubong Agta sa Iriga City, Camarines Sur si re-electionist at Senador Lito Lapid matapos ang pagbisita sa mga bayan ng Camalig, Ligao, at Polangui sa Albay, gayundin sa Nabua ng Camarines Sur.
Makikita sa post sa opisyal na Facebook page ng senador ang ilang mga larawan nang kaniyang pagbisita sa iba't ibang bayan kabilang na sa kaniyang "hometown," ang Iriga City.
"Si Sen. Lapid na chairman ng Senate Committee on tourism, ay kinilala na 'Chieftain' ng katutubong Agta ng Iriga City nitong Miyerkules sa isang simpleng programa na dinaluhan ng mga local official sa pangunguna ni Mayor Wilfredo Rex Oliva," mababasa sa post.
“Naulila kami sa ama at nakapag-asawa muli ang aking ina nang isang Bicolano, taga Iriga siya, at nagtitinda ng balut. Itinaguyod nya kami kahit mahirap lang noon ang buhay namin. Siya ang nag-aruga at nagmahal sa aming limang magkakapatid bilang tunay na ama,” pahayag ng senador.
Ayon pa sa post, noong nakaraang taon, idineklarang “adopted son” si Sen. Lapid ng Iriga City, Camarines Sur sa pamamagitan ng isang resolusyon mula sa Konseho.
Patuloy pa, "Maliban sa pagkakaroon ng stepfather na Bicolano, kinilala rin ng lungsod ang senador sa kanyang kontribusyon sa pagpapaunlad nito, kabilang ang kanyang proyekto para sa kapakanan ng mga Indigenous People at marginalized sectors."
"Sa ilalim ng 2025 budget, tumulong si Sen. Lapid para masiguro na mabibigyan ng pondo ang pagpapagawa ng Iriga City Indigenous People’s Culture and Heritage Multi-Purpose Center sa Ilian, Barangay San Nicolas, malapit sa tribal settlement ng mga IPs na Agta," dagdag pa.
Nagpasalamat daw ang mga katutubong Agta ng Iriga ang senador sa itatayong Cultural Heritage Center and Multi-Purpose Building.
Bukod sa mga nabanggit na bayan, nauna nang nang-ikot ang senador sa lalawigan ng Sorsogon at pagkatapos ay nagsagawa ng motorcade sa Legazpi City, Daraga, Tabaco City at Tiwi, Albay.