Nagpunta sa Hong Kong sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Vice President Sara Duterte upang dumalo sa campaign sortie ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) doon nitong Linggo, Marso 9.
Ayon sa Office of the Vice President (OVP) nitong Linggo, sasamahan ni VP Sara si FPRRD sa event nito sa Wan Chai, Hong Kong, ngunit babalik din daw ng Pilipinas dahil dadalo ito sa pagdiriwang ng "Araw ng Dabaw" ngayong linggo.
Noong Sabado, Marso 8, kumalat sa social media ang mga post ng pagsakay raw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang longtime aide na si Senador Bong Go sa isang Cathay Pacific flight.
Pinabulaanan naman ng kaniyang dating chief presidential legal counsel na si Salvador Panelo ang mga ulat na tumakas ang dating pangulo para maiwasan ang warrant of arrest na umano'y ibibigay sa lalong madaling panahon ng International Criminal Court (ICC).
Ani Panelo, dadalo ang dating pangulo sa isang thanksgiving event para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Wan Chai, Hong Kong.
Pinamagatan ang event na “Pasasalamat kay PRRD with OFWS,” at gaganapin daw ito mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa Southorn Stadium sa Wan Chai.
Ipinakita sa poster ng nasabing kaganapan ang larawan ni FPRRD kasama ang kaniyang anak na si VP Sara, at gayundin ang pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy, Go, Senador Bato Dela Rosa, SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta, aktor na si Philip Salvador, at abogadong si Vic Rodriguez.
Ipapalabas daw ang kaganapan sa iba't ibang lugar sa National Capital Region (NCR), Luzon, Visayas, Mindanao, at Davao Region.
Raymund Antonio