Naudlot ang pag-uwi ng isang raffle prize na minivan, matapos itong mahulog sa sinasakyang RoRo sa Baybay City, Leyte.
Ayon sa mga ulat, galing daw sa Cebu ang naturang itim na minivan na dapat sana'y iuuwi na sa Leyte ngunit nagdire-diretso daw ito sa dagat. Posible umanong nawalan ng balanse ang sasakyan kaya't dumulas ito mula sa loading platform.
Samantala, ligtas namang nakalabas ang driver ng sasakyan na kasamang nahulog sa dagat.
Agad din umanong naiahon ang naturang sasakyan upang maiwasan ang pagtagas ng langis nito.
Patuloy din umano ang imbestigasyon lalo't hindi pa tiyak kung mababawi pa raw ng raffle winner ang minivan o kung makakatanggap pa siya ng bayad dulot ng insidente.