Isang patay na sanggol ang natuklasang nakahalo sa mga basura sa Baseco Compound sa Maynila noong Huwebes ng gabi, Marso 6, 2025.
Ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA Network nitong Biyernes, Marso 7, nakabalot pa sa bedsheet ang sanggol nang matagpuan ito sa mga basurang malapit sa seawall.
“Nakita lang doon, may babae na nagtingin ng basura. Tapos, may fetus na nakita, anang desk officer ng Barangay 649.
Patuloy umano ang imbestigasyon kung sino o kanino galing ang itinapon na bangkay ng naturang sanggol.
“Mino-monitor ko sa radio kung saan galing. At saka sa CCTV, pina-review ko kung kanino talaga yun, sino nagtapon. Hindi tiyak ang oras at saka kung sino talagang nagdala, Dagdag pa ng desk officer.
Ayon naman sa ulat ng Manila Police District, tinatayang aabot na sa 36 weeks ang edad ng sanggol.
Samantala, kasalulukuyan nang nasa funeraria ang bangkay ng sanggol, habang patuloy umano ang imbestigasyon sa posibleng pagkakakilanlan ng mga kaanak nito.