Patay na nang matagpuan sa tabing-ilog ang katawan ng isang lalaki matapos saksakin at gilitan ng isa pang lalaking mahigit isang taon na raw nitong inaasar.
Ayon sa ulat ng Brigada News FM Cebu noong Martes, Marso 4, 2025, hindi na umano nakapagtimpi ang 40-anyos na suspek nang magkita sila sa isang kalsada sa Puok 4, Barangay Catmondaan, Catmon, Cebu.
Tinawag umanong “‘boang” ng biktima ang suspek na noo’y pauwi na galing sa isang inuman. Dito na raw nagdilim ang paningin ng suspek at naunang tagain ang balikat ng biktima.
Sinubukan pa raw makatakbo ng biktima at tumalon sa isang ilog, ngunit hinabol ito ng suspek hanggang sa gilitan ito.
Depensa ng suspek, mahigit isang taon na umano siyang binu-builly ng biktima na pinupuntahan pa raw siya sa bahay niya sa tuwing nalalasing ito. Hindi rin daw niya pinagsisisihan ang ginawa sa biktima.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na posible umanong maharap sa kasong homicide.