Patuloy pa rin ang epekto ng mainit na easterlies sa buong bansa ngayong Martes, Marso 4, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, bukod sa maalinsangang panahon ay inaasahang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Caraga, Quezon, Marinduque, Romblon, Northern Samar, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, at Davao Oriental.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, malaki rin ang tsansang magdadala ang easterlies ng maaliwalas o mainit na panahon na may posibilidad ng panandaliang buhos ng ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon naman ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, kaugnay ng maalinsangang dulot ng easterlies ay inaasahang mararanasan ang “dangerous” heat index na na 42°C sa Dagupan City, Pangasinan.
MAKI-BALITA: Dangerous heat index, inaasahan sa Pangasinan sa Martes