Kaugnay ng pagdiriwang ng “Women’s Month,” naghain si Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ng isang resolusyong naglalayong ideklara ang buwan ng Marso bilang "Bawal Bastos Awareness Month.”
Nitong Lunes, Marso 3, nang ihain ni Cendaña ang House Resolution No. 2247 na naglalayong italaga ang Marso bilang "Bawal Bastos Awareness Month," at hikayatin daw ang Philippine Commission on Women (PCW) na magsagawa ng isang Compliance Audit ng public and private establishments kung epektibo ng mga itong nasusunod ang Safe Spaces Act.
"2025 na. Hindi na dapat uso ang pambabastos sa kababaihan at sa iba pang kasarian. Bawal ang bastos sa kalye, sa opisina, sa social media, at lalo na sa gobyerno. Dapat ligtas ang lahat, saan man sila magpunta—walang excuse, walang palusot!" giit ni Cendaña.
Ayon pa sa kinatawan ng Akbayan, layon din ng resolusyong isama sa indicator ng nasabing audit ng PCW ang paglulunsad ng public awareness campaigns at anti-sexual harassment seminars, pamimigay ng educational modules, at pagpapatupad ng VAWC desks.
"Through this resolution, we hope to raise awareness and cultivate a culture of gender-sensitivity and safe spaces. Dahil hindi dapat seasonal ang respeto at lalong hindi pwedeng may VIP pass ang mga bastos!” ani Cendaña.
"Hindi lang ngayong March bawal ang mga bastos, kundi araw-araw dapat," saad pa niya.