March 04, 2025

Home BALITA National

PBBM, ‘di nagbago posisyon ukol sa impeachment vs VP Sara – PCO Usec. Castro

PBBM, ‘di nagbago posisyon ukol sa impeachment vs VP Sara – PCO Usec. Castro
VP Sara Duterte at Pres. Bongbong Marcos (Photo: VP Sara/FB)

“Wala pong pagbabago.”

Ito ang saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro hinggil sa posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. 

Sa isang panayam ng Super Radyo DZBB nitong Linggo, Marso 2, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Castro na hindi raw nababanggit ni Marcos ang tungkol sa napipintong impeachment trial kay Duterte.

“Nakailang beses po kaming nagkita ni Pangulo, pero hindi po talaga niya nababanggit yung impeachment sa amin,” ani Castro.

National

Walang Pasok: Class suspension sa Martes, Marso 4

“Yun pa rin kapag tinatanong namin, let's say tatanungin yung impeachment tungkol dito sa special session, calling for special session, ang lagi lang pong binabato sa amin is yun pa rin po ang stance ng Pangulo.”

“So, wala pong pagbabago,” saad pa niya.

Matatandaang sinabi ni Marcos noong Nobyembre 2024 na pag-aaksaya lamang umano ng oras ang pagsasampa ng impeachment complaint laban sa bise presidente.

MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara

Nang ihain naman ang mga reklamo ng pagpapatalsik kay Duterte sa House of Representatives noong Disyembre, iginiit ni Executive Secretary Lucas Bersamin na walang kinalaman ang opisina ni Marcos dito.

MAKI-BALITA: Malacañang, walang kinalaman sa impeachment complaint laban kay VP Sara – Bersamin

Samantala noong Pebrero 5 nang ipadala ng House of Representatives sa Senado ang naipasang ikaapat na impeachment case laban kay Duterte matapos pumirma rito ang 215 mga kongresista.

Kaugnay nito, ipinakita ni Senate President Chiz Escudero noong Pebrero 27 ang kaniyang panukalang timetable para sa impeachment trial ng Senado laban sa bise presidente.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Proposed calendar ni SP Chiz hinggil sa impeachment trial ni VP Sara