Patuloy pa rin ang epekto ng northeast monsoon o amihan at easterlies sa bansa ngayong Linggo, Marso 2, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region.
Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Inaasahan namang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley.
Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan sa mga nasabing lugar.
Samantala, malaki ang tsansang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod pa rin ng easterlies.
Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).