April 22, 2025

Home BALITA National

Amihan at easterlies, patuloy na umiiral sa PH – PAGASA

Amihan at easterlies, patuloy na umiiral sa PH – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Inaasahan pa ring magdudulot ng mga pag-ulan ang weather systems na northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Pebrero 27, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Region, Northern Samar, Eastern Samar, Southern Leyte, Camiguin, Misamis Oriental, at Misamis Occidental.

Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahan magdudulot ang mas pinalakas na malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora.

National

Cardinal Tagle, posibleng maging susunod na Santo Papa

Bukod dito, malaki rin ang tsansang magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging sa nasabing mga lugar kung saan nakaaapekto ang amihan, ayon sa PAGASA.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod pa rin ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).