Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Pebrero 24, dulot ng northeast monsoon o amihan at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Central Visayas, Negros Island Region, Caraga, Sorsogon, Masbate, Capiz, Iloilo, Davao Oriental, at Davao de Oro.
Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, and Aurora, at ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon, at CALABARZON. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod pa rin ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).