Pawang mga undergarments na lamang ang suot ng 16 taong gulang na bangkay ng babaeng natagpuan sa isang bakanteng lote sa Bayambang, Pangasinan.
Ayon sa ulat ng DZXL News, nitong Biyernes, Pebrero 21, 2025, hinihinalang ginahasa umano ng grupo ng kalalakihan ang biktima.
Lumalabas din umano sa imbestigasyon ng mga awtoridad na Pebrero 18 nang umalis ang biktima at sumakay sa isang tricycle kung saan dinala siya nito sa isa raw abandonadong bahay.
Matapos bigong makauwi, sinubukan pa raw hanapin ng mga kaanak ng biktima ang dalaga. Habang Pebrero 19 nang tuluyan na raw matagpuan ang wala nang buhay na katawan nito na tinakluban na lang ng sako.
Samantala, batay sa inilabas na opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan ng Bayambang noong Miyerkules, Pebrero 19, kinumpirma nitong hawak na raw ng mga awtoridad ang apat na na kalalakihan mula sa tinatayang limang suspek na kanilang pinaghihinalaang gumahasa sa biktima.
“Sa ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang apat na suspek mula sa limang pinaghihinalaan sa nasabing krimen,” anang Bayambang LGU.
Mariing ding kinondena ng Bayambang LGU ang naturang krimen at nangakong mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa biktima.
“Mariing na kinokondena ng lokal na pamahalaan ang karumal-dumal na insidenteng ito at nangangako na gagawin ang lahat ng makakaya upang makamit ang hustisya para sa biktima at sa kaniyang pamilya,” saad ng Bayambang LGU.