March 12, 2025

Home BALITA National

Malaking bahagi ng PH, makararanas ng pag-ulan dahil sa 4 weather systems

Malaking bahagi ng PH, makararanas ng pag-ulan dahil sa 4 weather systems
Courtesy: PAGASA/website

Malaki ang tsansang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Pebrero 18, bunsod ng northeast monsoon o amihan, shear line, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Batanes, Cagayan, at Apayao.

Inaasahan namang magdadala ang shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Isabela at Aurora.

Malaki rin ang tsansang magdudulot ang ITCZ—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Sultan Kudarat, Sarangani, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

National

ALAMIN: Ang posibleng detention center ni FPRRD sa ICC

Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki ang tsansang magdadala ang weather system na easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).