Niyanig ng magnitude 4.2 na lindol ang probinsya ng Cagayan nitong Lunes ng tanghali, Pebrero 17, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Base sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan dakong 12:19 ng tanghali.
Namataan ang epicenter nito 29 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Dalupiri Island, Calayan, Cagayan, na may lalim na 10 kilometro.
Naitala ang Instrumental Intensity I sa Gonzaga, CAGAYAN; Pasuquin, ILOCOS NORTE.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.
Hindi rin daw inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.