Ibinahagi ng re-electionist sa pagkasenador na si Bam Aquino ang larawan nila ng isa pang kumakandidato sa pagkasenador na si dating Commission on Audit (COA) commissioner at officer-in-charge Heidi Mendoza habang sila ay nasa isang campaign rally sa Quezon.
Ayon kay Bam, pareho umano sila ng paniniwala ni Heidi kaugnay sa pera o pondo ng pamahalaan.
"Masaya akong nakasama si Ma’am @HeidiMendoza45 sa Quezon kasama ang mga volunteers at supporters natin noong nakaraang araw!" ayon sa X post ni Aquino, Lunes, Pebrero 17.
"Pareho ang paniniwala namin na ang pera ng bayan ay nararapat lang na mapunta sa taumbayan."
"Ganitong paniniwala ang nagtutulak sa akin na mas magpursige pa para maisulong ang mas malawak na Libreng Kolehiyo, at Siguradong Trabaho para sa bawat Pilipino," dagdag pa niya.