Pinalagan ng handler ni The Voice USA Season 26 grand winner Sofronio Vasquez na si Gio Dexter Santos ang isang malisyosong post patungkol sa kaniya at sa kaniyang alaga, sa pamamagitan ng kaniyang X post nitong Biyernes, Pebrero 14.
Pinapalabas daw kasi sa social media page na tila may relasyon silang dalawa ni Sofronio, porket makikita sa larawan na nakasandal ang ulo niya sa balikat ng singer.
Tinakpan naman ang mukha ni Gio ng emoji subalit inalmahan pa rin ito ni Gio dahil makikita ang larawang ito sa kaniyang Facebook post noong Pebrero 11.
"Sofronio Vasquez Returns to the Philippines for the Show at Solaire North on February 13, 2025...with His Boyfriend by His Side!" mababasa sa post ng page.
Mariing pinabulaanan ni Gio na mag-jowa sila ni Sofronio, kundi ang relasyon lamang nila ay handler-talent.
"handler ako ni Sofronio"
"hindi kami mag-jowa ," simpleng sabi ni Gio sa kaniyang X post, kalakip ang screenshot ng post.
Disyembre 10, 2024 (petsa sa US) nang lumikha ng kasaysayan sa bansa si Sofronio matapos masungkit ang bilang The Voice USA Season 26 grand winner, na kauna-unahan sa Pilipinas at buong Asya.
MAKI-BALITA: Kilalanin ang Pinoy na si Sofronio Vasquez, The Voice USA Season 26 Winner
Noong Pebrero 8 naman, nag-Facebook post si Gio patungkol sa kaniyang pagiging road manager/talent coordinator sa ABS-CBN.
"Unang litrato ko sa loob ng ABS-CBN 6 yrs ago. Ito yung araw na in-interview ako sa ABS para sa ina-applyan kong “Road Manager/Talent Coordinator” na position sa Showtime."
"That time, bilang fresh grad at walang kaalam-alam sa TV industry, wala talaga akong idea sa trabahong pinapasok ko. Hindi ko nga rin alam na sa Showtime pala yung in-applyan ko. "
"Six years later, nandito pa rin tayo IN THE SERVICE OF THE FILIPINO. Maraming salamat, Kapamilya!" dagdag pa niya.