February 16, 2025

Home BALITA National

Akbayan President David kay Sen. Bato hinggil sa WPS: 'Para kang bato sa alon!'

Akbayan President David kay Sen. Bato hinggil sa WPS: 'Para kang bato sa alon!'
Akbayan President Rafaela David at Senador Bato dela Rosa (Facebook)

“Noon pa man, bato na ang bibig mo—matigas pero walang laman…”

Binuweltahan ni Akbayan Party president Rafaela David si Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos nitong sabihing handa siyang magpakamatay sa West Philippine Sea (WPS) upang mapatunayan daw na hindi siya “pro-China.”

Sa isang pahayag na iniulat ng News5 nitong Sabado, Pebrero 15, iginiit ni David na hindi umano kakampi si Dela Rosa ng “masang Pilipino” sa WPS.

“Tama na ang boladas, Senator Bato. Para kang bato sa alon-kung saan-saan napapadpad. Noon pa man, bato na ang bibig mo—matigas pero walang laman,” ani David.

National

Bulkang Kanlaon, 8 minutong nagbuga ng abo!

“Huli na ang lahat, Senator. Wala ka mang suot na bayong sa ulo, bistado na ang karakas mo. Hindi ka kakampi ng masang Pilipino sa West Philippine Sea,” saad pa niya.

Matatandaang isang panayam ng mga mamamahayag sa gitna ng proclamation rally noong Huwebes, Pebrero 13, iginiit ni Dela Rosa na wala naman umanong ibang nagsasabing pro-China silang mga senatorial candidate ng PDP-Laban, at handa raw siyang “makipaggiyera” sa WPS.

MAKI-BALITA: Sen. Bato, willing magpakamatay sa WPS para patunayang ‘di siya pro-China

Ang naturang pahayag ni Dela Rosa ay bilang reaksyon sa naging pahayag naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas noong Martes, Pebrero 11, na wala umano sa kaniyang mga iniendorsong kandidato sa pagkasenador ang nasangkot sa ilegal na giyera kontra droga o Oplan Tokhang, korapsyon noong Covid-19 pandemic, at pumapanig sa China at POGO.

MAKI-BALITA: PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'