February 11, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Jimmy Bondoc pinuri ABS-CBN Entertainment pero netizens, may kinalkal

Jimmy Bondoc pinuri ABS-CBN Entertainment pero netizens, may kinalkal
Photo courtesy: Screenshot from SMNI News (FB)/ABS-CBN

Usap-usapan ng mga netizen ang pagpuri ng singer-senatorial candidate na si Atty. Jimmy Bondoc sa ABS-CBN Entertainment na nagbibigay daw ng world-class na mga palabas, nang sumalang siya sa "Harapan 2025" ng estasyon para sa mga senatorial aspirant.

Hindi kasi naiwasan ng marami na balikan ang naging post niya noon laban sa Kapamilya Network, nang hindi i-renew ang prangkisa nito noong 2020, na nangyari sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaya ang ilang mga netizen, nilapagan ng "resibo" si Bondoc na tila taliwas daw ang mga naging pahayag niya sa Harapan, sa mga dati niyang tirada laban sa network.

Maging ang showbiz insider na si Ogie Diaz, napa-react din tungkol dito.

Tsika at Intriga

Okay na ba? Andi at Philmar, naispatang kumakain daw kasama ang pamilya

"Naresibuhan si Jimmy Bondoc, paano yan ngayon?" mababasa sa Facebook post ni Ogie, Linggo, Pebrero 9.

"Ang liit lang ng mundo. Magkikita at magkikita pa din. Kaso, buhay ang ebidensiya. Di na nakaupo si Digong, di ka na niya mababak apan sa narrative mo, Jimmy. Nakakalimutan ng mga tao na ang sinusuportahan nilang nakaupong pulitiko ay hindi naman forever sa pwesto. Pero ang post ay forever nandiyan yan at nakatatak sa puso at isip ng mga tao."

Kalakip nito ang isang shared post na nagpapakita ng quote card sa naging pahayag ni Jimmy sa Harapan, at ilang bahagi mula sa nag-viral na Facebook post niya laban sa ABS-CBN noon. 

Samantala, muli ring kinalkal ng mga netizen sa X ang lumang video clip naman nang bumanat si Unkabogable Star Vice Ganda habang kinapapanayam ang isang contestant ng "Tawag ng Tanghalan."

"Si Nyoy [Volante], nag-aacoustic, ang naalala namin sa kaniya, siya 'yong puma-falsetto, 'yong lalaking ang ganda-ganda ng falsetto. Si Nina nag-acoustic din dati, ang naaalala namin sa kaniya, siya 'yong sumisipol,. Si Jimmy Bondoc ang naaalala namin siya, 'yong gusto niyang ipasara 'yong ABS, 'yon 'yong naaalala namin sa kaniya. 'Yon na tuloy 'yong naaalala sa kaniya," banat ni Vice Ganda.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Jimmy Bondoc kaugnay sa isyung ito.