May 22, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Agot Isidro, tinawag na 'Satanas' ang 13 senador na bumoto kay SP Cayetano!

Agot Isidro, tinawag na 'Satanas' ang 13 senador na bumoto kay SP Cayetano!
Photo courtesy: Agot Isidro (FB)/via Balita

Isa sa mga celebrity na tila hindi natuwa sa naging kudeta sa liderato ng Senado ang aktres at Kakampink na si Agot Isidro, batay sa mga pinakawalan niyang X posts noong Lunes, Mayo 11.

Nagulantang ang lahat nang biglang mag-mosyon si Sen. Joel Villanueva kay dating Senate President Tito Sotto III na bakantehin ang lahat ng posisyon sa Senado, na sinang-ayunan naman ng majority.

Pagkatapos, nagkaroon ng botohan sa susunod na magiging Senate President, at ipinasok na nga pangalan ni Sen. Alan Peter Cayetano, gayundin si Sotto.

Sa botong 13 ng majority, napatalsik sa puwesto si Sotto at pinalitan siya ni Cayetano sa posisyon.

Ang kumumpleto sa boto ay ang dramatikong pagpasok sa Senado ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, na anim na buwang nawala at hindi dumalo sa mga sesyon, dahil sa paglabas ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa pagiging umano'y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity, na may kinalaman sa war on drugs sa panahon ng kaniyang administrasyon.

Tsika at Intriga

Andrea Del Rosario, nagbiro sa mga may pic kasama si Bato: 'Lahat kayo for questioning daw!'

Naging bagong majority bloc din ang dating minority bloc na kinabibilangan nina Sen. Imee Marcos, Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Chiz Escudero, Sen. Bato Dela Rosa, at Sen. Joel Villanueva. Apat mula sa dating majority bloc ang pumabor sa kanila at kumumpleto sa 13 boto para sa pagpapalit ng liderato, kabilang ang kapatid ni SP Alan na si Sen. Pia Cayetano, magkapatid na Sen. Mark at Camille Villar, at Sen. Loren Legarda na siyang naging Senate President Pro Tempore.

Siyam na senador naman ang bumoto sa pananatili ni Sotto bilang Senate President. Sila ay sina Sen. Ping Lacson, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Win Gatchalian, Sen. Lito Lapid, at magkapatid na Sen. Raffy at Erwin Tulfo. Ang boto ni Cayetano ay awtomatikong napunta sa kaniyang katunggali.

Dalawa naman sa kanila ang nag-abstain: sina Senate Majority Leader Migz Zubiri at Sen. JV Ejercito.

Itinalagang Acting Senate Majority Leader naman si Sen. Joel Villanueva.

Going back sa reaksiyon ni Agot na talagang vocal pagdating sa mga usaping pampolitika, tila nagngitngit sa galit ang aktres sa 13 senador na tinawag niyang "Satanas."

"I have ducking NO respect for these 13 hooligans who call themselves Senators of the Philippines. DUCK YOU," aniya.

Photo courtesy: Screenshot from Agot Isidro (X)

Sa isa pang X post, pinakiusapan ni Agot ang bagong SP na itigil ang paggamit ng bible verses.

"APC, can you please stop uttering Bible verses kasi sure ako, hindi natutuwa si God sa yo," aniya.

Gumamit naman ang aktres ng hahstag na "#13SatanasSaSenado."

Photo courtesy: Screenshot from Agot Isidro (X)

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Cayetano tungkol dito.

Maki-Balita: Cayetano sa mga kapuwa senador: 'Feel free to call me out!'