Patuloy pa rin ang pag-iral ng weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Pebrero 9.
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, Quezon, at Aurora.
Inaasahan din namang magdadala ang ITCZ—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Caraga, Davao Region, at Palawan.
Malaki naman ang tsansang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.
Pinag-iingat ng weather bureau ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).