Iginiit ni Senador Imee Marcos na lalabanan daw niya “hanggang dulo” ang naipasa ng House of Representatives na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Pebrero 6, binigyang-diin ni Sen. Imee ang pagtutol sa pagpapatalsik kay Duterte dahil ayaw umano niya ng gulo at marami raw problema ang bansa na dapat unahin.
“Lalabanan ko ‘yan hanggang dulo. Ayoko ng impeachment, ayoko ng destabilization, revolutionary government at resignation. Ayoko ng gulo!” pagbibigay-diin ng senadora na kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Sa dinami-dami ng problema natin, sa hirap na dinaranas ng mamamayang Pilipino–matataas na presyo't bigas, kawalan ng trabaho't kulang na sweldo, sa kakulangan ng tulong sa magsasaka, PWD, seniors atbp, impeachment ba at destabilization ang solusyon?”
“Nakakahiya! Bagkus, harapin ang dumarami at tunay na problema ng bayan,” saad pa niya.
Matatandaang noong Miyerkules, Pebrero 5, nang i-impeach ng House of Representatives si Duterte matapos pangunahan ng pamangkin ni Sen. Imee at anak ni PBBM na si Ilocos Norte 1st district Rep. Sandro Marcos ang 214 pang mambabatas sa paglagda rito.
MAKI-BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
MAKI-BALITA: ALAMIN: Listahan ng solons na pumirma sa impeachment laban kay VP Sara
Miyerkules din ng hapon nang iakyat ang naturang naaprubahang impeachment complaint sa Senado, kung saan isasagawa ang paglilitis at kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto.