Nagbigay ng reaksiyon si labor leader at senatorial aspirant Atty. Luke Espiritu matapos ang impeachment ng House of Representatives kay Vice President Sara Duterte.
MAKI-BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte
Sa isang Facebook post ni Espiritu nitong Miyerkules, Pebrero 5, sinabi niyang nangangalahati pa lang umano ang laban.
“Ibaon sa kangkungan ng kasaysayan ang mga Duterte. But impeaching Sara is half the battle. Isama ang mga Marcos at lahat ng political dynasties,” saad ni Espiritu.
Dagdag pa niya sa comment section, “Rodrigo Duterte at mga kasabwat gaya ni Bato [Ronald Dela Rosa] at Bong Go ipakulong sa ICC. Marcos at Romualdez, panagutin sa maanomalyang 2025 budget. Political dynasties, ipagbawal.”
Matatandaang sa isang episode ng “Basta Dabawenyo” noong Enero 18, inihayag ng dating FPRRD na tila may nakita raw siyang mali sa budget ng bansa ngayong taon.
MAKI-BALITA: FPRRD sa 2025 national budget: 'There's something terribly wrong!'
Samantala, noong Disyembre 2024 naman ay iminungkahi ng Quad Committee ang pagsasampa ng kasong crime against humanity sa mga opisyal na tulad ni Dela Rosa dahil sa implementasyon ng giyera kontra droga sa panahon ng panunungkulan ni dating pangulong Duterte.
MAKI-BALITA: ICC is not all about justice —Dela Rosa