Nanguna si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa senatorial preference survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa 2025 midterm elections.
Base sa survey ng SWS na inilabas nitong Huwebes, Enero 30, nanguna si Tulfo sa listahan ng 12 posibleng panalo para sa pagkasenador sa eleksyon matapos siyang makakuha ng 45% na boto.
Pumangalawa naman si dating Senador Tito Sotto na nakatanggap ng 38%, habang nakuha nina Senador Lito Lapid at Senador Bong Go ang ikatlo at ikaapat na puwesto matapos sila parehong makakuha ng 37% na boto.
Nasa 5th place naman si dating Senador Ping Lacson (35%), 6th place ang broadcaster na si Ben Tulfo (34%), nag-tie para sa 7th hanggang 8th place sina Senador Pia Cayetano at dating Senador Manny Pacquiao (parehong may 33%), 9th place si Makati Mayor Abby Binay (31%), at 10th place si Senador Bato dela Rosa (30%).
Para sa dalawang huling puwesto para sa “magic 12,” nag-tie sina Senador Bong Revilla, TV host Willie Revillame, at dating Senador Kiko Pangilinan sa ika-11 hanggang 13 na puwesto natapos silang nakakuha ng 29%.
Napunta naman sa ika-14 na puwesto si Senador Imee Marcos.
Isinagawa raw ang Stratbase-SWS January 2025 Pre-Election Survey mula Enero 17 hanggang 20, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews ng 1,800 registered voters na may edad 18 pataas.
Ginamit daw sa survey ang 66 pangalan ng senatorial candidates na nakalagay sa initial ballot ng Commission on Elections (COMELEC).
Tinanong ang mga respondent ng: “Kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon, sino po ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang SENADOR NG PILIPINAS? Sa loob po ng envelope na ito ang inyong balota para sa pagboto sa Senador. Sa Senador po ay pwede kayong bumoto ng hanggang labindalawa (12). Paki-shade o itiman po ang oval na katabi ng pangalan ng mga tao na pinakamalamang ninyong iboboto.”
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.