January 31, 2025

Home BALITA National

59% ng mga Pinoy, kuntento sa performance ng PBBM admin – SWS

59% ng mga Pinoy, kuntento sa performance ng PBBM admin – SWS
Photo courtesy: Bongbong Marcos/Facebook

Tinatayang 59% ng mga Pilipino ang kuntento sa general performance ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS).

Base sa Fourth Quarter 2024 survey ng SWS na inilabas nitong Miyerkules, Enero 29, 23% naman ng mga Pinoy ang hindi nasisiyahan sa performance ng Marcos administration, habang 17% ang nagsabing hindi sila satisfied o dissatisfied sa administrasyon.

Dahil dito, lumabas na +36 (% satisfied minus % dissatisfied) ang net satisfaction rating ng administrasyon na maka-classify raw bilang “good.”

“This is the same as in September 2024, but down by 4 points from good +40 in June 2024 following a sharp decline from very good +52 in December 2023 to moderate +29 in March 2024,” anang SWS.

National

Romualdez, inalala dedikasyon ni Lagman para sa ‘human rights, good governance, social justice’

“Out of 17 specific performance subjects rated, the net satisfaction ratings of the National Administration were Very Good on 5 subjects, Good on 7 subjects, Moderate on one subject, Neutral on 3 subjects, and Poor on one subject,” dagdag nito.

“Very good” daw ang lumabas sa survey hinggil sa performance ng Marcos admin sa pagtulong sa mga biktima ng pagtulong sa mga biktima ng mga sakuna (+65), pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon ng mga bata (+60), pagtulong sa mahihirap (+57), paglikha ng mga patakarang magbibigay ng mga oportunidad sa trabaho (+51), at pagbuo ng agham at teknolohiya (+51).

Naging “good” naman ang lumabas pagdating sa pagpapatupad ng administrasyon ng mga programang pabahay para sa mahihirap (+49), pagtiyak ng seguridad sa pagkain (+46), pagtiyak ng mahusay na sistema ng pampublikong transportasyon (+45), pagiging handa sa malalakas na bagyo (+44), paghahanda sa mga problemang dulot ng pagbabago ng klima (+38), pagsasabi ng katotohanan sa mga tao (+34), at pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (+32).

Samantala, “moderate” ang rating ng administrasyong Marcos pagdating sa pagtiyak na walang pamilyang magugutom at walang makakain (+26), habang “neutral” naman pagdating sa paglaban sa mga krimen na bumibiktima sa mga ordinaryong mamamayan, tulad ng mga pagpatay, panghoholdap, pagnanakaw, pisikal na karahasan, at iba pa (+4), pagtiyak na hindi sinasamantala ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng langis (-2), at pagpuksa sa graft and corruption( -3). 

“Poor” naman ang performance ng administrasyon pagdating sa paglaban sa inflation (-12),” dagdag ng SWS.

Isinagawa raw ang naturang survey mula Disyembre 12 hanggang 18, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews ng 2,160 Pinoy na nasa 18 pataas. 

Inirerekomendang balita