Ibinahagi ni Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. ang potensyal ng pambansang wika sa pandaigdigang espasyo.
Sa bating pagtanggap na binigkas ni Mendillo, Jr. sa awarding ceremony ng Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025 nitong Martes, Enero 28, sinabi niyang maikukumpara daw ang wikang Filipino sa mga “duly recognized universal languages.”
“[A]ng wikang Filipino ay maikukumpara ngayon sa mga duly recognized universal languages tulad ng English, Chinese, French, Russian na kinikilalang may malaking gamit sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pagsusulong ng agham at teknolohiya, matematika, agham panlipunan buhat sa patuluyang paghahanap ng solusyon at inobasyon gamit ang ibat ibang lapit sa pananaliksik,” saad ni Mendillo, Jr.
Sa madaling-sabi—ayon kay Mendillo, Jr.—ang wikang Filipino ay lalo raw lumalakas kung ito ay nagiging parte ng isang mataas at dakilang layuning makalikha ng bagong construct at paradigm na makapag-aambag sa kaban ng karunungan.
“Isa rito ay ang paggamit sa akademikong diskurso lalo sa pagpapaunawa at pagpapalalim ng mga itinuturong kritikal na konsepto,” aniya.
Kaya naman inilunsad ng KWF ang Gawad Julian Cruz Balmaseda upang kilalanin ang mga natatanging tesis at disertasyon na isinulat gamit ang wikang Filipino sa akademikong larang partikular sa environmental science, social science, at mathematics.
Ginawaran sa taong ito ang mga pananaliksik nina Mariyel Hiyas C. Liwanag, PhD at Kristine Mae M. Nares bilang pinakamahusay sa lahat ng lahok.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Mga nagwagi sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025 ng KWF