Muli na namang pinutakti ng intriga si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo ng mga netizen matapos mapanood ang 10-second video ng panayam ng GMA Sports sa kapatid at gymnast na si Karl Eldrew Yulo, na kasama sa mga nakatanggap ng parangal sa awards night ng Philippine Sportswriter Association (PSA), Lunes ng gabi, Enero 27, sa Manila Hotel.
Matatandaang si Caloy ang ginawaran ng "Athlete of the Year" ng PSA dahil sa tagumpay niya bilang two-time gold medalist sa ginanap na 2024 Paris Olympics.
Kasama niya sa Manila Hotel ang kaniyang girlfriend na si Chloe San Jose.
Si Eldrew naman, ginawaran ng special citation para sa gymnastics dahil sa tagumpay niya kamakailan sa iba't ibang nilahukang kompetisyon.
Masaya naman ang mga netizen sa muling pagkikita ng magkapatid, kahit na hindi naispatang nagkita sina Caloy at mga magulang na sina Angelica at Mark Andrew Yulo.
Ito ang unang beses na naispatang magkasama ang magkapatid simula nang manalo sa Olympics si Carlos at pumutok ang iba't ibang kontrobersiya sa pamilya nila.
MAKI-BALITA: Finally! Mag-utol na Carlos at Eldrew Yulo, nagkita sa PSA awards night
Samantala, hindi naman nakaligtas sa mga netizen ang tanong ni Caloy kay Chloe kung isasabay raw ba nila si Eldrew, habang iniinterbyu ang huli.
Makikitang niyakap pa ni Caloy ang kapatid habang sumasagot pa siya sa tanong ng media, at nagsabing sasabay siya sa kapatid at sa jowa nitong si Chloe.
"Isasabay ba natin 'to?" tanong ni Caloy kay Chloe, na nasa bandang likuran ni Eldrew.
"Sasabay ako," pakli naman ni Eldrew sa kapatid.
"Sige hatid natin," maririnig na sagot ni Chloe.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"dios ko prang di mo kapatid need pa ipaalam sa jowa mo grabe caloy"
"Nalungkot ako sa sinabi mo 'Sama ba natin to?' Ayaw na talaga kita panoorin caloy! Si eldrew lang talaga gusto ko panoorin."
"Kelngan Pa talaga magpa Alam Kay Goldie?"
"Nagpaalam si Kuya Olympian kay Goldie 'isama ba natin to”God bless Eldrew."
"nakaka-disappoint bakit need pa ipagpaalam?"
Sa kabilang banda, may mga nagsabi namang huwag mapanghusga batay lang sa ilang eksenang napanood sa ilang segundong video.
"Di nyo nmn alam buo storya ung isang clip lng nayon dami na nsabi..bka kc my pinagmulan nkita nyo nng niyakap n sya ng kuya Caloy nya..kc nga bka sguro mgalit mommy nilapg sinama sguro for example or other things pa..sumali kyo sa Eat Bulaga..Bawal judgmental bka manalo p kyo...haisst"
"Hayan na naman ang bashers na hindi na naman mapakali sa panghuhusga. Tigilan nyo na si Caloy at Chloe! Nagkaayos na nga rin sila ng kapatid niya eh."
"Daming judgmental..."
"Tantanan nyo na sila, wala kayong pakialam kung nagtanong pa si Caloy kay Chloe..."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo nina Carlos at Chloe tungkol sa isyu.