Kakastiguhin ng Commission of Higher Education (CHED) ang Bestlink Colleges of the Philippines-Novaliches, Quezon City branch dahil sa inireklamong "off-campus event/activity" nito na malayong-malayo sa area ng kanilang paaralan.
Ayon sa mga ulat at viral posts ng ilang mga mag-aaral at magulang, pinapunta umano ang mga mag-aaral sa isang resort sa Bataan para idaos ang founding anniversary ng paaralan.
Nang matapos daw ang event, dito na nagkaroon ng aberya sa mga bus na dapat daw ay maghahatid sa mga mag-aaral pabalik sa paaralan.
Ang ibang bus daw ay na-delay kaya halos ilang oras naghintay ang mga mag-aaral. Ang iba naman daw ay naglakad na lamang, kaya nagdulot din ito ng trapiko sa kalsada.
May ilan pa raw nahilo at hinimatay dahil sa pagod. Kaya naman, ang ilan ay tinawag itong "Bataan Death March."
Ayon pa sa ibang ulat, ilan pang mga mag-aaral ang nagsabing overcrowded daw ang venue kaya nagkaroon pa ng mga tulakan.
Matatandaang noong Pebrero 2017 ay nasangkot naman sa trahedya sa field trip ang nabanggit na paaralan, na nagresulta naman sa pagkamatay ng 15 mag-aaral, at pagkasugat naman ng 40.
Kaya ayon kay CHED Chairperson Popoy de Vera, mag-iisyu sila ng show cause order sa mga opisyal ng paaralan para maipaliwanag nila kung bakit sila nagdaos ng isang off-campus activity na walang isinusumiteng dokumento sa CHEDRO NCR.
Paiimbestigahan din nila ang mga online post ng mga mag-aaral at magulang tungkol sa kanilang mga reklamo sa nabanggit na paaralan.
Kaugnay nito ay nagpaalala naman ang Quezon City Local Government sa mga paaralan na magdaraos ng kanilang mga aktibidad, sa loob man o labas ng kanilang vicinity.
MAKI-BALITA: QC Government, nagpaalala sa mga paaralang nagsasagawa ng event