January 30, 2025

Home BALITA National

2 Manila Congressman, mananatiling independiyente sa pagdedesisyon sa Kamara

2 Manila Congressman, mananatiling independiyente sa pagdedesisyon sa Kamara
MULA SA KALIWA: Manila 3rd District Rep. Joel Chua at Manila 2nd District Rep. Rolan Valeriano (Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Nanindigan ang dalawang mambabatas na hindi sila madidiktahan ng kahit na sinuman at mananatiling independiyente bilang mga kinatawan ng mga distrito ng Maynila sa Kongreso.

Ito ang reaksiyon nina Congressman Joel Chua ng Manila 3rd district at Rolan Valeriano ng Manila 2nd district, matapos na mahingian ng reaksiyon ng media sa mga alegasyong dinidiktahan sila ni House Speaker Martin Romualdez, sa kanilang pagdalo sa Balitaan ng Machra sa Harbor View Restaurant, nitong Martes, Enero 28.

Nabatid na si Chua ang pinuno ng Committee on Good Government and Public Accountability, na nag-iimbestiga sa umano'y maling paggamit sa confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte, habang miyembro naman nito si Valeriano.

"Kung titignan natin ang survey, mahigit 60 percent sang-ayon sa ginagawa ng QuadComm, so wala pong ibang pupuwedeng magdikta sa amin kundi ang taumbayan.  Kasi kahit ano sabihin ng Speaker, kung ang tao ay di sang-ayon eh balewala lahat. Kami ay matatakot dahil representative lang kami ng taumbayan," ani Chua.

National

59% ng mga Pinoy, kuntento sa performance ng PBBM admin – SWS

Idinagdag pa ni Chua na kung titingnan ang survey ay makikita na overwhelming ang suportang natatanggap ng QuadComm, partikular na sa Metro Manila.

Binigyang-diin pa niya na ang mga umaatake lamang naman sa Kamara ay yaong mga trolls o vloggers na binabayaran upang gawin ito.

Tiniyak din niya na sa kanilang panig, ipagpapatuloy nila ang pagtupad sa kanilang trabaho.

"Gagawin lang namin ang trabaho namin kasi nakita naman namin na maraming isyung lumabas.  Nung una namin ginawa ito, wala naman sa isip naming me mga lalabas na isyu. Ang nasa isip lang talaga namin is in aid of legislation at marami na nga tayong nakita na mga problemang dapat ayusin. Si Speaker naman po hindi nman po nakikipag-usap  sa amin kasi kung nakikipag-usap siya sa mga Congressman, puputok na yan at kung lahat kakausapin niya, mahirap din naman po 'yun.  Ang mga Congressman  galing sa iba-ibang luar at partido," aniya pa.

Sa panig naman ni Valeriano, tiniyak nito na: “Hindi ako nadidiktahan. Kapag may nakikita akong mali, aayawan at tatayuan ko."

Tinukoy pa niya ang kasalukuyang sitwasyong pampolitikal sa Maynila at sinabing, "Kagaya ngayon, nandito ako sa Asenso Manileño. Kung pumunta ako sa kabila, baka may pera ako dahil talagang umaagos ang pera doon at wala sana akong kalaban, dahil hindi ako lalagyan ni mayora ng kalaban, sigurado."

"Pero mas pinili ko ang Asenso. Wala talaga kahit zero (funding) ako dito, nagkaroon pa 'ko ng kalaban. ‘Pag mali, ang hirap kainin... hindi ako nadidiktahan ng kahit na sino.. kapag tingin ko mali, mali," aniya pa.