July 09, 2026

Home BALITA National

'Pag bagyo, wala sila, e!' House, binara si Atty. Zuleika Lopez

'Pag bagyo, wala sila, e!' House, binara si Atty. Zuleika Lopez
Photo courtesy: HOR, MB

Binara ni House deputy speaker Paolo Ortega ang naging paalala sa publiko ni Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff  Atty. Zuleika Lopez na mag-ingat daw ang lahat dahil sa bagyong “Inday.” 

Matatandaang opisyal na nakapasok bandang 3:00 ng madaling araw noong Miyerkules, Hulyo 8, 2026, ang Super Typhoon Inday sa may 1,270 kilometers East of Northern Luzon at nagtaglay ng lakas ng hangin na aabot sa 195 kilometers per hour at pagbugsong 240 kilometers per hour.

Batay naman sa pinakabagong tala Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) bandang 11:00 ng umaga nitong Huwebes, Hulyo 9, kasalukuyan na lang daw nasa kategorya ng isang bagyo ang “Inday.” 

Ngunit nananatili pa rin daw itong mapanganib habang nasa 925 kilometers sa silangang bahagi ng Northern Luzon at may bilis na 20 kph na pag-usad sa west-northwestward ng Philippines Sea. 

Sa naging pahayag naman ni Lopez sa pagpunta niya sa Senado nitong Huwebes, Hulyo 9, tumanggi siyang magbigay ng detalye sa media tungkol sa dahilan ng pagpunta niya sa mataas na kapulungan ng Kongreso. 

National

‘Active shooting drill,’ iraratsada sa ilang paaralan sa Hulyo 10!

Sa kabila nito, matipid naman na nagpaalala si Lopez sa publiko na mag-ingat daw ang lahat sa typhoon Inday. 

“Good morning, everyone. Prepare for typhoon Inday,” aniya. 

Sa naging mabilis naman na tugon ni Ortega sa isinagawa nilang press conference nito ring Huwebes, sinabi niyang dapat din daw na maghanap sina Lopez dahil madalas daw na hindi makita si VP Sara at ang panig nito kapag may dumaraang bagyo sa bansa. 

“Maghanda rin sila. Kasi usually kapag bagyo, wala sila, e,” simula niya. 

“Kaya maghanda rin po sila. Nakahanda naman po kami lahat,” pagtatapos pa ni Ortega. 

Samantala, hindi naman na nagpaliwanag si Ortega kung may iba pa bang kahulugan ang kaniyang sinabi patungkol kina Lopez. 

Matatandaang inilabas ng defense team ni VP Sara sa Senate impeachment trial noong Miyerkules, Hulyo 8, ang video ni Lopez noong Nobyembre 2024 na naging dahilan umano ng naging pagbabanta ng Bise Presidente sa buhay ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez. 

KAUGNAY NA BALITA: Banta kay PBBM, atbp. hindi hypothetical, gawa-gawa, o pantasya!—Usec. Castro