Nanindigan si Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na may sapat na batayan at ebidensya ang "grave threats" na isa sa apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na nilitis na sa unang tatlong araw ng paglilitis mula Lunes, Hulyo 6, hanggang Miyerkules, Hulyo 8.
Sa press briefing ng Malacañáng ngayong Huwebes, Hulyo 9, sinabi ni Castro na hindi hypothetical, gawa-gawa, likhang-isip, o pantasya ang naging pagbabanta ng Pangalawang Pangulo kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, dahil inamin umano ito ni VP Sara.
"Hindi po ito hypothetical. Nakita po ito. Hindi po ito gawa-gawang isip, hindi po ito pantasya. Sinabi po ito at mismong si Bise Presidente ay hindi pinapasinungalingan ang kaniyang mga sinabi, ang kaniyang mga pagbabanta sa buhay ng Pangulo," saad ni Castro.
Binasa naman ni Castro ang revised penal code at maging ang kaso ng Caluag v People patungkol sa grave threats, na ito ay katumbas na rin sa krimen, "may or may not be accompanied by a condition."
Ipinagdiinan ng Palace Press Officer na ang grave threats ay puwedeng kondisyonal o hindi may kasamang kondisyon.