July 23, 2026

Home BALITA

Sarah Discaya, kulong pa rin kahit pinayagang makapagpiyansa ng ₱1M!

Sarah Discaya, kulong pa rin kahit pinayagang makapagpiyansa ng ₱1M!
Photo courtesy: MB file photo

Pinayagan ng isang hukuman sa Lapu-Lapu City na makapagpiyansa ang kontratistang si Sarah Discaya kaugnay ng kasong isinampa laban sa kaniya hinggil sa umano'y maanomalyang ₱96.5 milyong flood control project sa Davao Occidental.

Sa inilabas na resolusyon ng korte na may petsang Hulyo 7, itinakda ang piyansa ni Discaya sa halagang ₱1 milyon matapos mabigo umano ang prosekusyon na magpakita ng matibay na ebidensya na direktang nag-uugnay sa kaniya sa sinasabing sabwatan upang dayain ang pamahalaan.

Gayunman, mananatili pa rin sa kustodiya si Discaya dahil nahaharap din siya sa isa pang hiwalay at non-bailable na kaso kaugnay naman ng umano'y ₱53.9 milyong "ghost project" sa Calumpit, Bulacan.

Kabilang din sa mga pinayagang makapagpiyansa si Czar Ryan Ubungen, hepe ng finance section ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineering District sa Davao Occidental, na pinayagang maglagak ng piyansang ₱300,000.

Samantala, ibinasura ng korte ang kahilingan para sa piyansa ng walong iba pang akusado, kabilang ang ilang opisyal ng DPWH at si Ma. Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction.

‘We cannot afford it!’ SP Win, nagkomento sa hiling ni VP Sara para sa defense team niya!

Ayon sa korte, sapat at matibay ang mga ebidensyang iniharap laban sa kanila upang manatili silang nakakulong habang dinidinig ang kaso.

Lumabas din sa mga record ng kaso na iniuugnay ang ilan sa mga akusado sa pagpirma umano sa mga maling sertipikasyon at dokumento na may kaugnayan sa proyekto.

Bukod sa kasong kinakaharap sa Davao Occidental, sangkot din sina Sarah Discaya at ang kaniyang asawang si Pacifico "Curlee" Discaya II sa isa pang kasong may kaugnayan sa umano'y maanomalyang proyekto sa Bulacan na kasalukuyang dinidinig ng mga awtoridad.