July 21, 2026

Home BALITA National

Taumbayan, dapat na mag-monitor sa impeachment ni VP Sara

Taumbayan, dapat na mag-monitor sa impeachment ni VP Sara
Photo courtesy: RTVM/YT


Ipinagdiinan ng Malacañang na nararapat ding subaybayan ng mga Pilipino ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Sa press briefing na ikinasa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Hulyo 9, iginiit ito ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro upang maliwanagan ang mga Pinoy sa mga nagaganap sa bansa.

“Hindi po mandato ng ehekutibo—ng Palasyo—ang mag-assess sa nakaraang tatlong araw na hearing sa impeachment involving the Vice President,” turan ni Usec. Castro nang matanong ukol sa assessment ng Palasyo tungkol sa impeachment trial.

“Ito po ay trabaho po ng mga [nasa] Senado; at definitely, ang mga taumbayan din po ay dapat din po sigurong mag-monitor para ma-assess din po nila sa sarili nila kung ano ang nagaganap sa ating bayan,” diin pa niya.

Anang press officer, base sa kanilang nakikita ay maayos naman ang itinatakbo ng paglilitis.

“Ang hiling naman po ng Pangulo sa lahat ng pagkakataon ay sundin ang batas at ang proseso. Sa nakikita po at nababasa rin po natin, naipapakita naman na nagiging maayos po ang daloy ng hearing sa Senado,” anang press officer.

MAKI-BALITA: Palasyo, nakikitang maayos takbo ng impeachment trial vs VP Sara-Balita

Sa kaugnay na ulat, matatandaang hinimok din kamakailan ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang lahat na pakinggan at panoorin ang impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo.

MAKI-BALITA: Rep. Diokno, nagpaanyayang panoorin, pakinggan impeachment trial ni VP Sara-Balita

Isinagawa ang unang tatlong araw ng paglilitis laban sa bise presidente mula noong Lunes, Hulyo 6 hanggang Miyerkules, Hulyo 8.