Tatlong weather systems ang patuloy na umiiral sa bansa ngayong Lunes, Enero 27, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas.
Malaki naman ang tsansang magdudulot ang easterlies—na tumutukoy naman sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, and Davao Oriental.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Inaasahan namang magdadala ang northeast monsoon o malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes, at ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Samantala, malaki ang tsansang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil pa rin sa easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).